Ayon sa ulat ni Rommel Gonzales ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), nang tinanong si Marian kung anong isasagot niya kapag mag-propose ng kasal ang kanyang boy friend na si Dingdong Dantes, sinabi niyang:
“Ano lang… madami pa rin kasi akong gustong gawin at naniniwala naman ako na kung dadating, dadating naman yan.”
Gayunpaman, ipinagdarasal daw ni Marian ang panahon kung kailan handa na siyang magpakasal.Wika pa ng aktres, “Ipagdarasal ko rin dahil naniniwala ako na ito ang isang bagay na hindi madalian, e. Kailangan pinag-iisipan ng mabuti kahit mahal mo ang isang tao.”
“At siguro kung dumating man yan e, sa tamang panahon. Siguro hindi muna sa ngayon. Madami pang mangyayari.”
Maliban dito, magsisimula na ang pinaka bagong "dramedy" show ng GMA na "Tweets For My Sweet" ngayong gabi Mayo 6 ng 6:30 p.m.
Gaganap bilang Meg si Marian Rivera, tubong probinsiya na nagsisikap makamit ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng isang coffee shop.
Ayon sa aktres, mas kumportable siyang gumawa ng comedy kaysa sa drama dahil masaya at magaan lamang ang istorya nito. Dagdag pa niya, nahiligan na rin talaga niya ang magpatawa.
Hilig din naman daw niya ang drama. Aniya, “Although yung drama gusto ko rin pero kailangan mo talaga na pag may iyakan, may motivation, kailangan talagang nag-i-internalize ka so madami, at mabigat siya, hindi katulad 'pag comedy, masaya lang.”
Samantala, nais din umano ng aktres na mag-aral sa Culinary school dahil hilig niya ang magluto.
“Hilig ko kasi talaga ang magluto. After ng Amaya, papasok dapat ako sa [culinary] school kaso, siyempre, binigyan ulit ako ng pagkakataon ng GMA at isa pang blessing uli sa akin ang 'My Beloved' kaya hindi ko siya nagawa,” pahayag ng aktres.
Dagdag pa ng aktres, mag-aaral ito sa isang culinary school kapag binigyan ito ng pagkakataon.
No comments:
Post a Comment